Shhhhh
Written by Marielle Iarathelle A. Trinidad
Agosto 16, 2017;
Sulat Para Kay Kian
Ako ba’y iyong naririnig, ikaw ba’y pumipintig
Gusto ko pa sanang marinig ang iyong tinig
Hindi makapaniwala sa iyong huling pahiwatig
Bakit sinusubukang lasunin ang iyong bibig?
Maiksi’t mabilis na lakad sa madilim na pasilyo,
Bakit ako nakarinig ng mga gatilyo?
Ano nga ba ang ginagawa nila sa iyo?
Iniwang nakatirik ang mga puting panyo.
Tumakbo hanggang sa pinakadulo
Hawak ang paniniwalang makaliligtas, kahit malabo
Ngunit bakit nang itanong kung may kasalanan ka rito,
Napilitan silang humabi’t magpain ng kuwento.
Ang iyong pinangarap ay inagaw nang tuluyan,
Wala na akong marinig kundi kasinungalingan.
Bakit sa panturo’y ikaw ang pinagbabalingan
Apat na daliri nila’y sa kanilang sarili naiwan.
Sa harap ng manlulupig, ikaw ang nasakdal.
Ngunit sa sulat kong ito ay hindi mapapagal,
Hihiyaw kahit gaano katagal, kahit gaano kabagal,
Mananatiling nakakagat kahit pa may busal,
Hindi mananahimik, hanggang ang iyong tinig ay marinig.


